“ KALAYAAN: Paninindigan ng Bayan”
By: Kristine H. Santinlo
Walang sariling paniniwala, walang sariling paninindigan, sa madaling sabi, walang kalayaan…ganyan ang Pilipinas noong panahon ng mga mananakop. Ang mga Pilipino ay kawangis ng isang ibong nasa hawla na ang tanging nais ay makalipad ng malaya at makita ang kagandahan ng ating bayan. At sa loob ng mahabang panahon, matapos magbuwis ng buhay ng mga Pilipinong itinuturin nating bayani, ika – 12 ng Hunyo, 1898 ay iwinagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas at tinugtog ang ating pambansang awit sa Kawit, Cavite bilang pagsilang ng isang bansang may karapatang maging malaya.
Noong nakaraang ika- 13 ng Hunyo taong dalawang libo at labing-isa, kasama ang mga mag-aaral at guro ng mababang paaralan ng Pamantasan ng Ateneo ng Zamboanga ay nagkaroon ng palatuntunan na pinangunahan ng departamento ng Sibika. Ang nasabing palatuntunan ay ginanap sa MPCC bilang paggunita sa ika- 113 pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng ating bansa na may temang “KALAYAAN: Paninindigan ng Bayan”. Isa sa mga naging sentro ng palatuntunan ay ang parada ng mga kasuotang pang-etnikona nilahukan ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang. Nagkaroon din ng maikling dula- dulaan na nagpaalala sa lahat ng kadakilaan ni Gat Jose Rizal, ang ating pambansang bayani. Sa huli, ay sabay-sabay na sumayaw ang lahat sa saliw ng musikang “Pinoy Ako”.
Nagtapos ang palatuntunan sa mga katagang “Mabuhay ang Pilipinas, mabuhay ang Lahing Pilipino at mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas.”