Search
Close this search box.
Search
Close this search box.
Search
Close this search box.
Home » Migrated » ATENEO: Kaisa sa Pagpapasidhi ng Nasyonalismo

ATENEO: Kaisa sa Pagpapasidhi ng Nasyonalismo

ATENEO: Kaisa sa Pagpapasidhi ng Nasyonalismo
ni Rain Erika H Angelito ng Zamboanga Chong Hua High School
(Kampeon sa interschool na patimpalak sa pagsulat ng sanaysay
na pumaksa sa 100 Pagdiriwang ng Pagkamamamayan
ng Ateneo de Zamboanga University
)

 

Sa kasagsagan  ng globalisasyon at makabagong panahon, ay isang malaking hamon para sa kasalukuyang henerasyon ang pagsasapuso ng nasyonalismo. Bagamat malaking bahagdan ng kabataan ngayon ang nakakalimot sa saysay ng kanilang pagka-Pilipino ay may iilan pa ring natira  na pilit na  nagpapalaganap ng diwang makabayan – isa na rito ang prestihiyosong paaralan ng Ateneo.

Ang Ateneo ang nagsilang sa ilan sa mga makabuluhang tao sa kasaysayan  ng Pilipinas. Kasama rito si Gat Rizal – ang pambansang bayani , at si Pangulong Noynoy – ang kasulukuyang lider ng bansa. Kaya naman, di malayong isipin na taglay ng mga Atenean ang mga katangian ng pagiging makabayan.

Ang Atenean ay maka-Diyos. Bilang Heswitang institusyon ay sinanay ang mga estudyante ng Ateneo sa mga tamang kaugalian, di lamang sa pansarili, ngunit sa pakikitungo rin sa kanilang kapwa.            Likas silang may malasakit sa mga nangangailangan na walang hinihintay na kapalit. Pinagsisikapan nilang maging matapat anuman ang kahihinatnan ng sitwasyon. Maayos rin  silang humaharap ng mga pagsubok  at nagpapanatili pa rin ng kanilang ‘sportsmanship’, manalo man o matalo. Sa pagtataglay ng mga katangiang ito ay mahuhubog  silang maging matapat at mabuting mamamayan sa kanilang lipunan.

Ang Atenean ay nagtataglay ng mga likas na kaugalian ng isang tunay na Pilipino. Nananatili pa rin ang paggamit nila ng mga katagang ‘po’ at ‘opo’ sa nakatatanda. Ilan sa kalalakihan ay nagbubukas ng pinto para sa mga dilag. At ang isa pang mahalagang bagay na kilala sa mga Pilipino ay ang pagtanggap nila nang magiliw sa mga bisita. Maayos nilang pinakikituhungan ang kanilang mga bisita bagamat di man sila magkakilala.

Ang Atenean ay nagpapatingkad sa makulay na kultura ng mga Pilipino. Sa pakikipagtalastasan ay laganap pa rin sa mga estudyante ang paggamit ng pambansang wikang Filipino. At kamakailan lang, sa paggunita ng pagdidriwang ng Buwan ng Wika, ay naglunsad ang Ateneo ng patimpalak na mga katutubong laro. Ilan na rito ang patintero, sepak-takraw, tumbang-preso at ang nakakaaliw na palosebo.  Bagamat madalang lang nailulunsad ang mga larong ito, ay nananaig pa rin ang diwa na di nila binabalewala ang kulturang pinayabong ng kanilang mga ninuno.

Alinsunod sa paniniwala nga Ateneo na “Pro Deo et Patria” o “Sa Serbisyo ng  Diyos at Bansa” ay naipapaalala sa mga mamamayan ang pagiging maka-Diyos at makabayan. Sa pamaraang ito, ang kabataan sa kasalukuyang henerasyon ay mahuhubog na maging ganap na indibidwal sa kanilang pamayanan. Ang paninidigan ng Ateneo ay di lamang naaangkop sa kanilang institusyon ngunit para sa ibang mamamayan na rin. Kung lahat ay may taglay na nasyonalismo, ang laban ng bansa sa kahirapan at katiwalian ay mawawakas na rin.