Ni Yousef Corrales, The BEACON

Hindi lang basta simpleng handaan ang Noche Buena; sa Pilipinas, binibigyang-hugis ito ng liwanag ng mga Christmas light, makukulay na parol, at samyo sa hapag ng pamilyang Pilipino. Tumatayo ang panahon na ito bilang simbolo ng pansamantalang ginhawa mula sa isang taon na ubod ng pait. Ngunit kung ang Noche Buena hango sa wikang Espanyol, at direktang tumutukoy sa pagbating “good night,” kaninong gabi ba ang tunay na maganda sa ilalim ng paniniwala na ang ₱500 ay sapat na para sa isang pamilyang sasalubong sa selebrasyong ito?
Sa totoo lang, kung gaano kababa ang benchmark ng gobyerno para dito, ganoon din kababa ang tingin nila sa mga Pilipino. Noong bago sumapit ang Disyembre, nang igiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na sapat na umano ang ₱500 para sa isang pamilya–agad itong binaha ng pagdududa nang nagngingitngit na taumbayan. Naalala niyo pa ba ang pangakong ₱20 kada kilong bigas? Ganito rin ang epekto ng naratibong ₱500 para sa Noche Buena: malinaw na isang malaking ilusyon ang optimismong mayroon. At sa tulin ng pagbasag ng pamantayang itinakda para sa atin, wari’y umaalingawngaw ang liriko ng “The Spageti Song” ng SexBomb Girls: “pababa nang pababa”–hindi bilang biro, kundi bilang repleksyon ng patuloy na pagliit ng pagpapahalaga nila sa ating dignidad.
Sa halip na itama o bawiin ang pahayag, pinatotohanan pa ito ng Malacañang sa pagsasabing “diskarte lang” ang kailangan ng mga Pilipino. Dito malinaw na lumilitaw ang kabiguan ng Estado: wala itong inilahad na konkretong hakbang upang pababain ang presyo ng bilihin, palakasin ang sahod, o pigilan ang pagguho ng purchasing power ng mamamayan. May diskarte ang Pilipino, oo—ngunit kahit ang pinakamadiskarte, walang panama sa arithmetic na palaging pataas ang presyo at patuloy ang pagkapos ng sahod. Alam naman natin ang universal truth: kapag ang Estado ang unang nagbababa ng pamantayan, ang mamamayan ang unang nalulunod sa kakulangan, bagkus tayo pa rin ang mas nakakaalam kung paano ibadyet ang banal na handaan na siguradong hindi pinugayan ng dangal.
May magsasabing “dapat maging praktikal” at tanggapin ang mas murang bersyon ng Noche Buena, lalo na sa panahong naghihikahos ang ekonomiya. Ngunit diyan mismo lumilitaw ang tunay na tanong: bakit tayo naghihikahos, at anong pangmatagalang plano ang ginagawa—o hindi ginagawa—ng mga nakaupo? Malinaw pa sa sikat ng araw: hindi matatapatan ng ₱500 ang bigat ng isang gabing nagbibigay-dangal at pahinga—ang sandaling binubuo muli ng pamilya ang kanilang mga sarili matapos ang taon ng patong-patong na kapaguran, pagkukulang, at pagtitiis.
Kaya kung nais ng pamahalaan na maging makabuluhan ang kanilang serbisyo, dapat magsimula sila sa pagsasalita nang may paggalang at pag-unawa sa realidad ng masa. Dahil kung may isang bagay na malinaw sa pahayag ng DTI, iyon ay: ‘Di Talaga Iniisip’ – iniisip ba talaga ang karanasan, tradisyon, at dignidad ng bawat pamilya, habang nagiging kasangkapan ang kanilang naratibo sa pagnonormalisa ng kulturang isinasawalang-bahala ang dignidad ng bawat mamamayan?
Sa ganang akin, iyon ang tanging “handa” na maibabahagi sa hapag ng masa dahil ang pinakamasarap na hamón na kaya lamang ihandog ng pamahalaan ngayong taon ay: hámon.